Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maaaring humiling ng exemption sa bagong wage order ang ilang maliliit na negosyo.
Kabilang dito ang mga retail o service establishment na may hindi lalampas sa 10 empleyado, gayundin ang mga negosyong naapektuhan ng natural calamities o human-induced disasters.
Mayroon umanong 75 araw ang mga employer mula nang maging epektibo ang wage order para magsumite ng aplikasyon para sa exemption sa Regional Wage Boards sa kanilang mga tanggapan ng DOLE.
Samantala, hindi sakop ng Minimum Wage Law ang mga rehistradong Barangay Micro Business Enterprises o BMBEs na may kabuuang assets na Php 3M pababa, alinsunod sa Section 8 ng batas.
Kapag hindi naman inaprubahan ang exemption application, kinakailangang ipatupad ng employer ang bagong minimum wage na itinakda sa wage order.















