Muling nakiisa ang Commission on Human Rights (CHR) sa pagdiriwang ng International Day of Older Persons ngayong Oktubre 1 at Elderly Filipino Week mula Oktubre 1 hanggang 7, 2026 upang isulong ang karapatan at kapakanan ng mga nakatatanda.
Binigyang-diin ng CHR na ang mas mahabang buhay ng mga senior citizen ay dapat na may kaakibat na dignidad, kalusugan, sapat na suporta mula sa lipunan, at kalayaang makapagpasya sa kanilang sarili.
Ayon kay CHR Commissioner Beda A. Epres, pangkalahatang kinatawan para sa karapatan ng mga nakatatanda, aktibo ang komisyon sa mga talakayan sa United Nations upang makuo ang isang legal at pandaigdigang kasunduan na magpoprotekta sa mga senior citizen.
Kabilang sa mga isinusulong ng CHR ang pagkakaroon ng malinaw na sistema ng monitoring, pananagutan ng pamahalaan, at paglikha ng grievance mechanism para sa anumang paglabag sa karapatan ng mga matatanda.
Kasabay nito, suportado rin ng komisyon ang pambansang kampanyang “#OldEnoughTo” ng UN upang labanan ang diskriminasyon sa edad at tiyaking may boses at ambag ang nakatatandang Pilipino sa lipunan.
















