-- Advertisements --

Itinanggi ni Vice President Sara Duterte na kilala niya si Rodulfo Gracioso Jr at sinabing wala siyang kailanman natanggap na pera mula rito.

Sa kanyang pahayag nitong Setyembre 26, sinabi ni Duterte na hinihintay ng kanyang mga abogado ang opisyal na kopya ng affidavit ni Gracioso mula sa National Bureau of Investigation o NBI bago simulan ang mga kasong plano nilang ihain laban dito.

Lumutang ang pangalan ni Rodulfo Gracioso Jr., isang dating police corporal na nagpakilalang naging head of security ni dating house speaker Lord Allan Velasco, matapos siyang magsumite ng affidavit sa NBI na naglalaman ng mga alegasyon laban sa ilang miyembro ng Duterte family.

Ayon kay Gracioso, naghatid umano siya ng mga maletang naglalaman ng pera kay Vice President Sara Duterte, dating pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Representative Paolo Duterte, na sinasabing ginawa niya sa utos ni Velasco.

Tinataya niyang mahigit dalawang bilyong piso ang naihatid niya umano kay VP Sara sa mahigit 20 pagkakataon.

Ayon kay Duterte, mapatutunayang walang katotohanan ang mga nilalaman ng testimonya ni Gracioso, na inihambing niya sa naunang pahayag ni Ramil Madriaga.

Tinawag din ni Duterte na isang “Media stunt” ang naturang development at inakusahan ang administrasyon ng paggamit nito upang buhayin ang aniya’y humihinang impeachment case laban sa kanya.

Iginiit pa ng Bise Presidente na nais umano ng mga pilipino na sumailalim sa public drug test si pangulong ferdinand marcos jr., managot sa isyu ng flood control scandal at magkaroon ng pagbabago. Ang mga pahayag na Ito ay bahagi ng kanyang sariling pahayag at Hindi independiyenteng napatunayan.