-- Advertisements --

Nanindigan ang House Prosecution panel na may karapatan at kapangyarihan ang Senate Impeachment Court na desisyunan ang isyu ng 2/3-vote treshold habang nasa kasagsagan ng impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.

Binigyang-diiin ni Rep. Chel Diokno na hindi ang two-thirds requirement ang kinukuwestiyon ng prosecution, kundi ang denominator kung saan ibabase ang two-thirds para sa conviction.

Binalikan ni Diokno ang pananaw ng apat na amici curiae na aniya’y hindi nagsasabing ang 16 votes ay isang absolute o hindi nagbabagong numero.

Iminungkahi niyang dapat tingnan ang usapin sa lente ng accountability, dahil ang mga senador ay nagsisilbing impeachment judges na kailangang masusing pinapakinggan at sinusuri ang ebidensya bago bumoto.

Inihalimbawa rin ng senador ang posibleng magiging problema kung isasama sa denominator ang mga senador na hindi nakapanumpa bilang impeachment judges o hindi nakikibahagi sa proceedings, o legal na hindi makakaganap ng kanilang papel o tungkulin bilang judges.

Nanindigan naman ang denfese team ni VP Sara Duterte na dapat pa ring isama sa treshold ang mga senator-judge na absent o hindi nagagawang makibahagi sa impeachment proceedings.

Sa presentasyon ni Atty. Michael Poa, binigyang-diin niya na mayroong record ang korte sa lahat ng mga nangyayari sa proceedings na maaari lamang balikan o repasuhin ng senator-judge na absent.

Kung sa tingin aniya ng mga absent na judge ay hindi sila makakapagh-render ng ‘fair’ vote, maaari rin naman aniyang mag-abstain o hindi na makibahagi ang mga ito.

Ayon kay Poa, hindi kailangang ibaba ang voting treshold at sa halip ay sundin pa rin ang itinatakda ng batas na 2/3 ng 24 na senador ng bansa o 16 votes para sa conviction.

Sa huli, majority ng mga senator-judge ang bumoto-pabor sa mosyon ni Sen. Erwin Tulfo na talakayin at pagbotohan ang posibilidad ng pagbabago sa denominator para sa 2/3-vote treshold na magsisilbing basehan sa sa conviction o acquital ni VP Sara Duterte.

Kabilang sa mga hindi ibibilang ay ang mga naka-detain, mga senador na hindi matukoy kung nasaan, at yaong mga senador na walang kakayahang makibahagi sa impeachment trial dahil sa medical condition.