-- Advertisements --

Pinatawan ng limang araw na protest ban ng kapulisan sa Paris, France ang ilang mga lugar sa piling paaralan at unibersidad sa kabisera nitong Lunes kaugnay na nagpapatuloy na malawakang protesta sa bansa.

Ipinagbawal ng mga awtoridad ang pagsasagawa ng mga pagkikilos sa loob ng 100 meter-radius ng 10 secondary schools at limang unibersidad mula Nobyembre 16 hanggang Nobyembre 20.

Ayon kay Paris police chief Patrice Faure, kinakailangan ang mga naturang hakbangin dahil sa aniya’y pagpapasimuno ng mga ito sa aberya at blockades sa paligid ng mga naturang eskwelahan at ang aniya’y patuloy na karahasan.

Samantala, nakipag-ugnayan naman ang walong alkalde mula sa iba’t ibang distrito ng kabisera sa rehiyonal na tanggapan ng edukasyon para manawagan ng seguridad sa mga binarikadahang eskwelahan.

Nitong Sabado naman, nasaksihan ng lansangan ng France ang 106,000 kataong nakikiisa sa pagkilos. Ito rin ang ika-limang Sabado ng malawakang protesta sa bansa simula Oktubre, kaugnay ng panawagan ng mga mamamayan sa mas mabuting antas at kundisyon ng edukasyon sa bansa.