-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Justice na walang nagba-bar o nagbabawal para masampahan ng kaso si Vice President Sara Duterte. 

Sa naganap na pulong balitaan ng kagawaran, inihayag mismo ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na wala namang nagba-bar upang di’ makasuhan ang nakaupong ikalawang pangulo. 

Ito aniya ang pananaw ng Department of Justice patungkol sa usapin kung maari nga bang sampahan ng kaukulang kaso ang isang ‘impeachable officer’. 

Kasunod ang naturang pahayag ng opisyal matapos igiit ng kampo ng akusado na hindi umano maaring i-prosecute ang bise presidente kasabay ng ‘senate impeachment trial’.  

Kung kaya’t dahil dito’y nanindigan ang kagawaran na ang proseso ng korte sa kasong isinampa kontra sa opisyal ay hiwalay o magkaiba sa nagaganap na paglilitis sa senado. 

Ipinauubaya na lamang daw nila sa hukuman ang pagdetermina o pagresolba sa kaso kahit pa isang impeachable office si Vice President Duterte. 

Kamakailan lamang ay pormal nang sinampahan ng Department of Justice si Vice President Sara Duterte ng kasong ‘grave threats’. 

Kaugnay ito sa pagbabanta ng bise presidente sa buhay nina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, first Lady Liza Araneta-Marcos at former House Speaker Martin Romualdez. 

Subalit kasabay din nito ay ang pagkakabasura naman ng ‘inciting to sedition case’ sa kagawaran kontra sa ikalawang pangulo. 

Kung saan pinanindigan ni Proseutor General Fadullon ang naging resolusyon dito at iginiit na ebidensya ang kanilang pinagbatayan. 

Ito’y matapos ihayag ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na nakukulangan umano siya sa kasong grave threats lamang na inihain laban sa bise presidente. 

Inaasahan naman na magsusumite ng kumento ang kagawaran sa motion to quash na inihain ng kampo ni Vice President Duterte na layon mabasura lamang ang kasong kinakaharap.