-- Advertisements --

Naghatid ng tulong at mga pangunahing suplay ng pagkain ang Philippine Red Cross (PRC) Bulacan Chapter sa may 200 pamilya sa Barangay Gugo, Calumpit, Bulacan ngayong Agosto 16, 2026.

Ito ay bahagi ng patuloy na relief operations ng ahensya para sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng pagbaha dulot ng pinaigting na Southwest Monsoon o Habagat.

Naisagawa ang matagumpay na pamamahagi ng food relief packages matapos ang maagang pagtatala at profiling sa mga residente at benepisyaryo ng lugar.

Bukod sa pagkain, nagbigay rin ang relief team ng Doxycycline prophylaxis sa 36 na indibidwal na naexpose sa baha upang makaiwas sa sakit na leptospirosis, pati na rin ng libreng medical consultation para sa isang residente.

Mananatili namang nakatutok ang welfare at disaster response teams ng PRC sa iba’t ibang komunidad upang magpaabot ng kinakailangang tulong sa gitna ng epekto ng masamang panahon.