Muling pinalawig ng Bureau of Internal Revenue (BIR) hanggang Agosto 18, 2026 ang huling araw ng paghahain at pagbabayad ng buwis sa mga lugar na nanalasa ang Habagat.
Bukod sa mga pook na binagyo, isinama na rin sa extension ang mga tax payers na nahirapan magsumite dahil sa mga teknikal na problema sa offline package ng eBIRForms.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, layunin nitong bigyan ng karagdagang panahon ang mga mamamayan upang makatupad sa kanilang tungkulin nang walang ipinapataw na multa o penalty.
Sakop ng bagong Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 95-2026 ang mga obligasyong nakatakda sana mula Agosto 10 hanggang 16, tulad ng withholding tax at income tax returns.
Naglabas din ng direktiba ang BIR sa mga Authorized Agent Banks (AABs) upang tumanggap ng mga bayad at aplikasyon nang walang karagdagang singil hanggang sa nabanggit na petsa.
Gayunpaman, nilinaw ng kawanihan na hindi kabilang sa extension ang mga taxpayer na gumagamit ng Electronic Filing and Payment System (eFPS) na hindi naman apektado ng Habagat.















