-- Advertisements --

Nakataas ngayon ang Red Rainfall Warning sa Bataan at ilang bahagi ng Cavite, Batangas at Zambales nitong madaling araw ng Miyerkules dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng pinalakas na Southwest Monsoon o Hanging Habagat.

Batay sa abiso nitong alas-2 ng madaling araw, nasa ilalim ng Red Warning ang buong Bataan, gayundin ang Ternate, Maragondon, Magallanes, General Emilio Aguinaldo at Alfonso sa Cavite.

Kasama rin sa Red Warning ang Nasugbu, Calaca, Balayan, Tuy, Lian at Calatagan sa Batangas, at Subic, Olongapo, Castillejos at San Antonio sa Zambales.

Samantala, nasa Orange Rainfall Warning ang ilang bahagi ng Cavite, Zambales, Tarlac, Pampanga, Bulacan at Batangas, kung saan patuloy na nagbabanta ang pagbaha.

Nasa Yellow Rainfall Warning naman ang Rizal at Metro Manila, gayundin ang ilang bahagi ng Tarlac, Nueva Ecija, Bulacan, Quezon, Laguna, Batangas at Pampanga.

Posible ang pagbaha sa mga flood-prone areas.

Patuloy naman ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may paminsan-minsang malakas na buhos sa ilang bahagi ng Nueva Ecija, Quezon at Laguna at maaaring magpatuloy sa susunod na tatlong oras.