-- Advertisements --

Lalo pang bumilis ang Typhoon Saudel habang kumikilos pahilagang-kanluran sa karagatan ng Piilipinas, silangan ng Extreme Northern Luzon.

Ayon sa PAGASA huling namataan ang bagyo sa layong 1,660 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon, sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Taglay ang maximum sustained winds na aabot sa 176 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 215 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Inaasahang papasok ang bagyong Saudel sa northeastern boundary ng PAR ngayong Lunes ng umaga o hapon na tatawagin namang bagyong “Obet.”

Batay sa forecast track ng PAGASA, mananatili ang Typhoon Saudel sa Philippine Sea at inaasahang lalabas muli ng PAR pagsapit ng Martes, Agosto 25.

Samantala, patuloy namang mino-monitor ng state weather bureau ang iba pang dalawang Tropical Depression na nasa labas ng PAR.

Isa rito ay nasa layong 1,330 kilometro silangan ng Southeastern Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pahilagang-silangan sa bilis na 10 kilometro kada oras.

Habang ang isa pang Tropical Depression na may international name na Gaeneri, dating tinawag na bagyong Neneng ay huling namataan sa layong 520 kilometro hilagang hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes.

Taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pakanluran-timog-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Inaasahan naman ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, Rizal, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.

Sa iba pang bahagi ng Luzon, magiging bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan, na may posibilidad ng isolated rain showers o thunderstorms.

Habang sa nalalabing bahagi ng bansa, makakaapekto ang localized thunderstorms na magdadala ng isolated rain showers o thunderstorms.