Magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat sa Luzon ngayong Martes, ayon sa PAGASA.
Batay sa state weather bureau, dalawang tropical cyclone at isang Low Pressure Area (LPA) ang kanilang mino-monitor sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Una rito ang Typhoon Saudel, na dating tinawag na bagyong Obet, ay nasa layong 1,180 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 150 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 185 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Samantala, humihina naman bilang tropical depression ang Tropical Storm Atsani, na nasa layong 1,760 kilometro silangan ng Northern Luzon.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 55 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilaga sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Habang ang Tropical Depression Gaenari, na dating Neneng, ay humina na at naging LPA 08f.
Ayon sa PAGASA, maliit ang posibilidad na muli itong maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.
Samantala, makakaranas ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cavite, Batangas at Rizal ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at thunderstorms dahil sa patuloy na pag-hatak ng Hanging Habagat.
Posible ang flash floods at landslides dahil sa katamtaman hanggang minsang malakas na pag-ulan sa mga nabanggit na lugar.
Sa nalalabing bahagi ng Luzon, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms ang inaasahan.
















