Posibleng pumasok sa Lunes o Miyerkules ang binabantayang Typhoon Saudel sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA.
Huling namataan ang bagyo sa layong 2,725 kilometro silangan ng Southeastern Luzon at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 130 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 160 kilometro kada oras.
Kapag nakapasok sa PAR, papalitan ang pangalan nito ng local name na “Obet.” Ito ang magiging ika-15 tropical cyclone na mabubuo sa PAR ngayong taon at ikaapat ngayong Agosto, kasunod ng Luis, Maymay at Neneng.
Bagama’t hindi inaasahang direktang tatama sa bansa ang bagyong Saudel, sinabi ng PAGASA na maaari nitong palakasin ang Southwest Monsoon o Habagat, na magdadala ng mas maraming mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon.
Samantala, ang LPA na dating bagyong Neneng ay huling namataan sa layong 735 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes na mataaas naman ang tyansang maging Tropical Depression sa susunod na 24-oras.
Habang ang isa pang LPA (08h) sa labas ng PAR, na nasa layong 1,220 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao ay ganap nang tropical depression.
Ngayong araw, makakaranas ang Northern at Central Luzon ng epekto ng pinalakas na Habagat, kabilang ang mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan.
Inaasahan naman ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at thunderstorms sa Ilocos Region, Apayao, Abra, Benguet, Batanes at Cagayan.
Sa Metro Manila, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon at CALABARZON, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms ang inaasahan.
















