Ikinatuwa ng Senate Impeachment Court ang desisyon ng Supreme Court na ibasura ang tatlong petisyon na kumukuwestiyon sa interpretasyon nito sa two-thirds voting threshold para mahatulan si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Reggie Tongol, ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon nina Victor Rodriguez, Berteni Causing at Atty. Ernesto Francisco Jr. dahil sa kawalan ng legal standing at pagiging premature ng mga ito.
Sinabi ni Tongol na pinagtitibay umano ng desisyon ang independence ng Senado bilang impeachment court. Dahil dito, mananatiling umiiral ang ruling noong September 23 at magpapatuloy ang paglilitis nang walang pagkaantala mula sa mga kasong inihain sa korte.
Matatandaang ipinasiya ng impeachment court na ang “all members of the Senate” sa 1987 Constitution ay tumutukoy sa mga senador na legal at aktuwal na makalalahok sa botohan.
Labintatlong senador ang bumoto pabor sa pagbabago ng interpretasyon sa 16-vote threshold, habang si Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang nag-iisang tumutol at anim na senador ang nag-abstain.
















