-- Advertisements --

Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang buong kooperasyon sa mga awtoridad sakaling magkaroon ng pormal na imbestigasyon sa kontrobersyal na flood control scam, kasabay ng mariing paglilinaw na hindi na bahagi ng militar ang mga idinadawit na ex-Marines.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, matagal nang hiwalay sa serbisyo ang mga dating sundalo na umano’y nagsilbing mga bagmen ni dating lawmaker Zaldy Co, kaya’t kumikilos na lamang ang mga ito sa kanilang private capacity.

Iginiit ng opisyal na hindi kinakatawan ng mga nasabing indibidwal ang posisyon ng AFP.

Gayunpaman, naninindigan ang institusyon sa transparency at accountability kung kakailanganin ang kanilang tulong sa pag-iimbestiga.

Bilang background, isiniwalat kamakailan ni dating Congressman Mike Defensor na may 18 dating Marines ang handang tumestigo sa Ombudsman pabor sa mga naunang rebelasyon ni Master Sgt. Orly Regala Guteza tungkol sa floodgate irregularities.

Kasama si Atty. Levito Baligod, nakatakdang magsumite ng joint affidavit ang mga naturang ex-Marines upang tumulong sa pag-usad ng kaso.