-- Advertisements --

Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na nadiskubre nila ang isang malaking anomalya sa mga flood control project sa Davao City, matapos mabatid na iisang set lamang ng mga litrato ang ginagamit para sa magkakaibang proyekto upang makakolekta ng pondo.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, sa 47 kabuuang flood control projects sa lungsod, apat pa lamang ang pormal nilang naiimbestigahan ngunit nakitaan na agad ng maraming iregularidad.

Tinawag ni Matibag na isang malinaw na “modus” ang ginawang ito, kung saan nilalagyan umano ng blur effect at inaayos ang filter o kulay ng mga orihinal na larawan para magmukhang magkakaibang proyekto.

Kasabay nito, sinusuri na rin ng ahensya ang kumpanyang Davao Genesis 88 Incorporated. Aniya bagaman bagong tatag lamang ito noong 2016, nakatanggap na ito ng napakalaking bahagi mula sa mga bilyun-bilyong pisong proyekto sa flood control sa Davao mula 2019 hanggang 2023.

Nabatid na ang chairman nito na si Glenn Escandor ay dating nagsilbing Sports Adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Lumabas din sa mga rekord na nagbayad si Escandor ng humigit-kumulang P19.9 milyong halaga ng political advertisements para kay Vice President Sara Duterte noong 2022 elections.

Sa kasalukuyan, patuloy ang malalimang imbestigasyon ng NBI sa iba pang natitirang proyekto. Inihayag ni Matibag na pormal nilang ie-endorso ang lahat ng kanilang natuklasan sa Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman para sa kaukulang pagsasampa ng kaso at karagdagang imbestigasyon.