-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Itinaon ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang anunsyo sa pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028 presidential election sa gitna ng kaniyang mga kinakaharap na reklamo kung saan, maituring umano itong panibagong estratihiya ng mga Duterte sa pulitika.

Ito ang naging opinyon ni Professor Danilo Arao ng Department of Journalism, UP–Diliman sa interview ng Bombo Radyo kung saan, lumalabas aniya na ipinapakita ng bise presidente sa kaniyang naging talumpati na siya pa rin ang bida at nangunguna sa mga survey.

Maliban dito, kung pag-aaralan aniya ng husto, tinanggal ang selyo ng office of the vice president sa kaniyang background at ang kaniyang itim na suot na damit ay posibleng may ibang kahulugan o itinaon lamang niya ito ash Wednesday.

Dagdag pa ni Professor Arao na tila ipinamumukha ni Duterte na siya ang dahilan kung bakit naging pangulo si Ferdinand Marcos Jr. kung kaya’t humingi siya ng paumanhin sa hirap na dinadanas sa kasalukuyan ng mamamayan lalo na ang malawakang katiwalian na naglagay sa bansa sa kontobersiya.

Hindi na aniya bago na malayo pa man ang eleksyon ay nagpaparamdam na ang mga nais kumandidato lalo na sa national position kung saan, kinuha ni Duterte ang pagkakataon sa nalalapit na Edsa people power revolution anniversary sa darating na Pebrero 25, 2026.