-- Advertisements --

Nanawagan si Senator JV Ejercito kay dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez na humarap sa Senate Blue Ribbon Committee matapos muling mabanggit ang kanyang pangalan sa imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Ang panawagan ay kasunod ng pagtestigo ng dalawang babae na itinago sa alyas na “Maria” at “Joy” na sinabi umano ng contractor na si Curlee Discaya na bumili si Romualdez ng isang bahay na inuupahan ng kanilang employer sa may No. 10 Tamarind Street, South Forbes Park, Makati City.

Mariing itinanggi naman ni Romualdez ang alegasyon at ang pagugnay sa kaniya kay Discaya.

Sinang-ayunan din ni Senator Risa Hontiveros ang panawagan ni Sen. Ejercito, iginiit na mahalagang marinig ang panig ni Romualdez bilang bahagi ng due process.

Ayon kay Ejercito, dapat marinig ang magkabilang panig, lalo’t si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, na itinuturing na pangunahing personalidad sa isyu, ay naging chair ng House appropriations committee noong House Speaker si Romualdez.

Binigyang-diin ni Ejercito na hindi dapat malihis ang imbestigasyon sa mga malalaking pangalan lamang, at dapat tutukan ang umano’y modus na kinasasangkutan ng ilang dating opisyal ng DPWH at mga contractor.

Dagdag ng Senador, ang opisyal na ulat ng Senate Blue Ribbon Committee ang dapat sundin, at layon ng imbestigasyon na matukoy ang pananagutan at makapaglatag ng mga reporma upang hindi na maulit ang anomalya.