-- Advertisements --

Sumuko na ang isa sa umano’y hazing suspek na naging sanhi sa pagkasawi ng 19-anyos na maritime student sa Cavite.

Sinabi ni Cavite Police Provincial Director P/Colonel Ariel Red na ang suspek ay nasa kustodiya na ng General Trias Component Police Station.

Magugunitang dinala sa pagamutan sa Damarinas ang biktimang si Kenneth Alcedo, estudyante ng PNTC Colleges matapos na mawalan ng malay dahil sa tinamo nitong mga pasa sa katawan.

Dinala ng mga tatlong suspek ang biktima sa pagamutan kung saan ipinalabas nila na naaksidente ito.

Tinangka nilang tumakas mula sa pagamutan subalit sinita sila ng guwardiya at pinabalik ang mga ito para magbigay ng detalye sa biktima.

Nakakuha ng tsansa ang mga suspek na tumakas palabas ng pagamutan nitong linggo ng hapon kaya tuluyan silang nakaalis.

Ayon naman kay General Trias Police chief P/Lt. Colonel Bismark Mendoza, na maaring tinamo ng biktima ang mga pasa sa katawan nito mula sa isinagawang initiation rites.

Nadiskubre ang sinakyan ng mga suspek na may layo ng tatlong barangay mula sa pagamutan at nakita doon ang ilang mga school ID at uniporme ng fraternity.

Tinuntun ng mga kapulisan ang may-ari ng sasakyan at doon ay nakakuha sila ng mga lead sa mga suspek sa insidente.


Patuloy ang ginagawang pagtukoy at paghahanap ng mga kapulisan sa mga suspek na nasa likod ng hazing.