Itinanggi ng Philippine Navy na miyembro ng Philippine Marine Corps (PMC) ang apat mula sa 18 iprinisentang umano’y bagmen na naghatid ng male-maletang P805 billion na kickbacks kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at dating Congressman Zaldy Co.
Sa isang statement, nilinaw ni Navy spokesperson Captain Marissa Arlene Martinez na base sa kanilang official records, hindi kailanman naging miyembro ng Philippine Navy o PMC ang apat na indibidwal na ipinakilala sa isang press conference na pinangunahan ni Levito Baligod.
Habang mayorya sa mga ito ay “discharged dishonorably,” at ang ilan ay nagretiro nang may “good standing.”
Ginawa ng Navy official ang pahayag matapos maberipika ang mga pagkakakilanlan at rekords ng serbisyo ng mga ito.
Pagdating naman kay Orly Guteza, binigyang diin ni Capt. Martinez nagretiro na mula sa serbisyo si Guteza mula pa noong Hunyo 2020 at wala na ito sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Philippine Navy.
Pinaalalahanan naman ng Navy ang publiko na beripikahin muna ang kredibilidad at kung wasto ang impormasyong natatanggap kabilang ang source at platform na ginamit upang mapigilan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
Samantala, nanindigan ang Navy official na mananatili ang Hukbo na propesyunal, disiplinado at non-partisan organization nang hindi makokompirmiso ang kanilang integridad at reputasyon at mananatiling hindi natitinag sa kanilang mandato na depensahan ang soberaniya ng bansa at pasilbihan ang mamamayang Pilipino.
Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines, sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxers Trinidad na ang mga pahayag na ginawa sa naturang public forum ay dapat na busisiin sa pamamagitan ng proper legal at investigative process.















