Handang magbigay ng safe house at seguridad ang National Bureau of Investigation (NBI) sa 18 umano’y dating Marines na nagsabing nagsilbi silang “bagmen” umano ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, ayon kay NBI Director Melvin Matibag.
Ito ay matapos umanong magtago ang mga indibidwal dahil sa banta sa kanilang seguridad, kasunod ng kanilang paglantad sa isang press conference kung saan sinabi nilang naghatid sila ng pera sa ilang personalidad at opisyal ng pamahalaan.
Hinimok ni Matibag ang mga ito na humarap sa NBI at magbigay ng testimonya, at tiniyak na bibigyan sila ng proteksyon at safe house kung kinakailangan.
Naglabas na rin ng subpoena ang NBI laban sa 18 indibidwal, sa kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod, at sa iba pang sangkot.
Inaasahan silang humarap sa NBI sa Marso 12 para sa imbestigasyon.
Patuloy namang iniimbestigahan ng ahensya ang lahat ng anggulo ng kaso, kabilang ang posibilidad na ginamit lamang ang mga testigo upang maghasik ng kaguluhan sa bansa.
Matatandaan, nauna nang isiniwalat ni Baligod na may ₱805 bilyong kickback umano mula sa mga maanomalyang flood control projects at idinawit ang ilang personalidad, kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Samantala, pinabulaanan naman ng Malacañang ang naturang mga alegasyon at tinawag na isang smear campaign laban sa Pangulo.
















