Naglunsad ang Department of Energy (DOE), katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT), ng electronic complaint platform para sa publiko na nagnanais na i-report ng mga gasolinahang lalabag sa fuel pricing rules o nakararanas ng fuel shortages, bunsod ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa DOE, maaring isumite ang mga reklamo sa pamamagitan ng eReport tab sa eGov app. Dapat piliin ng mga gumagamit ang “Gas Station Concerns” option, punan ang kinakailangang detalye, at tukuyin kung ang isyu ay kasalukuyan o naranasan na dati.
Kabilang sa mga maaaring i-report:
- Panic buying o mahahabang pila sa mga gasolinahan
- Fuel hoarding o labis na pagbili ng petroleum products
- Hindi pagsunod sa fuel pricing, tulad ng mabilis at malakihang pagtaas ng presyo sa loob ng isang linggo
- Hindi awtorisadong pagtaas ng presyo o paglabag sa pricing regulations
- Pagtanggi sa pagbenta ng gasolina o iba pang petroleum products
- Kakulangan ng fuel o limitado hanggang wala sa mga produkto sa istasyon
Sinabi ng DOE na nakikipagtulungan ito sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) upang palakasin ang monitoring laban sa posibleng hoarding at profiteering. Natanggap na rin ng ahensya ang unang mga ulat at ebidensya ng posibleng iregularidad sa ilang bahagi ng Luzon at Mindanao.
Ang hakbang ay kaugnay ng pagsasara ng Strait of Hormuz, isang pangunahing global shipping corridor sa pagitan ng Iran at Oman, dahil sa kaguluhan sa rehiyon na kinasasangkutan ng United States, Israel, at Iran.
Ang strait ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang ruta ng pag-export ng langis sa mundo, na nag-uugnay sa pangunahing Gulf oil producers papunta sa Gulf of Oman at Arabian Sea.
Una nang sinabi ng DOE, na dapat ang mga pump prices mula Marso 6 hanggang Marso 9 ay hindi dapat lumagpas sa:
- Gasoline (RON 97/100): P53.70 – P76.50/litro
- Gasoline (RON 95): P50.00 – P71.04/litro
- Gasoline (RON 91): P49.00 – P64.70/litro
- Diesel: P49.00 – P66.59/litro
- Diesel Plus: P56.80 – P74.81/litro
- Kerosene: P78.90 – P99.89/litro















