-- Advertisements --

Ikinokonsidera ni Mamamayang Liberal party-list Representative Leila de Lima na maghain ng mga kaso laban sa alegasyon ng 18 nagpakilalang dating Marines na nakatanggap siya ng milyun-milyong halaga ng pera bilang kickback mula sa flood control projects galing umano kay dating Congressman Elizaldy Co.

Sa isang panayam, pinabulaanan ng mambabatas na nakatanggap siya ng pera at tinawag itong isang ganap na kasinungalingan.

Paliwanag pa ni de Lima na may mga nagpapayo sa kaniya na kasuhan ang mga nag-aakusa sa kaniya. Bagamat, maaaring aksaya lamang ito ng oras, ay pinagiisipan niyang ituloy ang pagsasampa ng kaso gaya ng ginawa ni dating Senador Antonio Trillanes IV para turuan sila ng leksiyon dahil maaaring hindi umano sila titigil sa paninira.

Matatandaan, nauna nang lumutang ang isyu hinggil sa male-maletang pera na ibinigay sa mga matataas na opisyal ng gobyerno sa idinaos na press conference ng 18 dati umanong security aide ni Co na pinangunahan ni Atty. Baligod.

Kabilang sa mga nakatanggap umano sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, mga kongresista at iba pa.

Subalit, nilinaw kalaunan ni Atty. Baligod na isinama na lamang niya ang pangalan ni Rep. de Lima sa listahan ng mga kongresistang nakatanggap umano ng male-maletang pera dahil nababanggit umano noon na kasama ang mambabatas sa mga pulong hinggil sa International Criminal Court (ICC).

“Pupwede pong error yun on my part,” pag-amin ng abogado.

Nilinaw din ni Atty. Baligod na bagama’t hindi maleta ang natanggap umano ni de Lima, isang paper bag umano na naglalaman ng pera ang nakitang bitbit niya paglabas sa townhouse. Tinataya umanong nasa lima hanggang sampung milyong piso ang lamang pera ng paper bag, akusasyong mariing itinanggi ni de Lima bilang isang imbento lamang.