Kinumpirma ng pamilya ng tripulanteng Pilipino na napaulat na nawawala na kabilang ito sa mga sakay ng tugboat na tinamaan ng missiles habang naglalayag sa may Strait of Hormuz.
Matatandaang idineklara na bilang “Warlike Operations Area” ang Strait of Hormuz mula nang simulang atakehin ng Iran para harangin ang oil shipping bilang ganti sa mga pag-atake ng Amerika at Israel.
Natukoy ang nawawalang seafarer na si George Francis Miranda, 46 anyos.
Naipaalam na ng logistics company kung saan nagtratrabaho ang seafarer sa kaniyang pamilya ang nangyari.
Napag-alaman na nawawala ang Pilipinong tripulante matapos tamaan ng missile ang UAE-flagged tugboat na Mussafah 2 noong Marso 6.
Ang nawawalang seafarer ay isang motorman at oiler mula sa Capalonga, Camarines Norte na huling nakausap ng kaniyang pamilya noong Marso 5.
Ipinadala ang tugboat lulan noon ang tripulanteng seafarer para asistihan ang container ship na Safeen Pretige, na na-stranded sa Strait of Hormuz matapos tamaan din ng missile.
Ayon sa maybahay ng nawawalang seafarer, hindi batid ng kaniyang mister at ng iba pang crew members na patungo sila sa mapanganib na lugar dahil sinabihan sila na sa Ras Al-Kaimah sila magtutungo, isang port city sa UAE. Noong Marso 6, nang makatanggap ang pamilya ng seafarer ng tawag para ipaalam sa kanila ang insidente.
Nanawagan naman ang maybahay ng nawawalang seafarer sa gobyerno ng Pilipinas na tulungan silang makakuha ng mas malinaw na impormasyon kaugnay sa sinapit ng kaniyang mister, dahil nananatili itong malabo sa kabila ng pagbisita ng OWWA sa pamilya noong araw ng Linggo.















