-- Advertisements --

 Ipinadala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga tauhan at barko nito para lumahok sa 24th Regional Marine Pollution Exercise sa Bitung–Manado, North Sulawesi, Indonesia.

Umalis ang PCG contingent mula pier 13, South Harbor, Manila noong Oktubre 2 bilang paghahanda sa isasagawang maritime exercise mula Oktubre 8, hanggang Oktubre 12.

Kabilang sa mga sasakyang-dagat na lalahok ang BRP Gabriela Silang at BRP Tubbataha kasama ang mga tauhan mula sa Marine Environmental Protection Command, Special Operations Force, Medical Service at Nursing Service.

Layunin ng Regional MARPOLEX na palakasin ang koordinasyon at kahandaan ng mga bansang kalahok sa pagtugon sa oil pollution, hazardous and noxious substances, rescue operations at iba pang marine emergencies.

Ang aktibidad ay pangungunahan ng Directorate General of Sea Transportation ng Indonesia, katuwang ang Japan Coast Guard. Ayon sa PCG, makatutulong ang pagsasanay sa pagpapalakas ng regional cooperation at kakayahan sa pagtugon sa mga insidenteng maaaring makaapekto sa karagatan.