-- Advertisements --

Itinuro ng dalawang iniharap na “testigo” sa Senate Blue Ribbon Committee hearing ngayong Lunes, Enero 19 si Curlee Discaya na contractor na kanilang nakausap at nagsabi umanong si dating House Speaker Martin Romualdez na ang bagong nagmamay-ari ng kanilang tinitirhan sa No. 30 Tamarind Street sa South Forbes Park, Makati City.

Hiniling naman ni Discaya kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, ang chairman ng komite, na matanggal ang face mask ng mga iniharap na testigo dahil hindi niya maalalang nakausap o nakatransaksiyon niya ang mga ito. Nilinaw ni Discaya na hindi siya kailanman nakakapasok pa sa Forbes Park.

Ipinaliwanag naman ni Prosecutor-General Atty. Richard Anthony Fadullon na sa pagtukoy may tamang pagkakataon para kilalanin ni Discaya ang pagkakakilanlan ng mga testigo.

Matatandaan, lumutang ang alegasyon na nagsilbi umano si Discaya bilang front kay Romualdez sa umano’y pagbili ng high-end real-estate property sa Makati City.

Subalit, nauna nang itinanggi ito ni Discaya at nilinaw na minsan lang niya nakita ang dating House Speaker sa isang public event at hindi niya kailanman ito nakausap. Ikinalungkot din ni Discaya ang pagkasangkapan sa kaniyang pangalan para kaladkarin ang pangalan ng dating House Speaker sa kontrobersiya ng flood control scandal.