-- Advertisements --

Ibinunyag ng Office of the Ombudsman na nais ng Department of Public Works and Highways na mapakasuhan maging ang asawa ni Sarah Discaya na si Pacifico ‘Curlee’ Discaya kaugnay sa maanomalyang flood control project.

Ayon kay Assistant Ombudsman at Spokesperson Atty. Mico F. Clavano, bunsod ito nang matanggap ang manipestasyon ng naturang kagawaran sa pamamagitan ng kalihim nito na si Sec. Vince Dizon.

Aniya’y base rito’y gustong maisama sa partikular na kasong malversation at graft si Curlee Discaya may kinalaman sa 96.5 million pesos na ghost flood control project sa Davao Occidental.

Ibinahagi pa ni Ombudsman Spokersperson Clavano na ang rebelasyon ay mula sa salaysay o affidavits ng iba’t ibang mga indibidwal nagtuturo kay Curlee Discaya na may ‘beneficial ownership’ o meron kontrol sa mga kumpanyang sangkot sa anomalya.

Dagdag pa ni Assistant Ombudsman Clavano, ang pagiging isang ‘beneficial owner’ ni Discaya ay maaring siya ang pumipirma sa ngalan ng mga korporasyon kahit pa hindi ang mismong nakalagay sa mga papeles ng kumpanya.

O di’ kaya’y nagbibigay ng utos sa mga tao ng kumpanya sangkot sa anomalya o kaso.

Bunsod nito, aniya’y masasabing ang ganitong mga gawain ng ilang indibidwal ay makakasama silang maituturing bilang ‘beneficial owners’ ng kumpanya.

Aminado naman ang naturang opisyal hamon para sa kanila ang ganitong uri ng kaso sa kadahilanang hindi mismong nakalagay ang pangalan ng mga sangkot sa korporasyon dawit sa anomalya.

Kung kaya’t pasasalamat na lamang aniya nila sa mga taong nakikipagtutulungan sa Office of the Ombudsman nagtuturo sa mga pinararatangan tunay na beneficial owners ng mga kumpanya o korporasyon.