-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na tuluyang niresolba na ang 5 reklamong isinampa ng Bureau of Internal Revenue laban sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Ito mismo ang ibinahagi ni Atty. Polo Martinez, spokesperson ng naturang kagawaran, nang matanong hinggil sa mga reklamong kinakaharap ng mag-asawa.

Aniya’y dalawa rito ay nakatakdang ihain at isampa na sa Court of Tax Appeals laban sa mga Discaya matapos matukoy ng prosekusyon ang reklamo.

Kung saan batay sa naging resolusyon nito ay nakitaan ng ‘prima facie of evidence with certainty of conviction’ o matibay na ebidensya makapagpapatunay sa alegasyon.

Partikular na sasampahan sila ng kasong paglabag sa Section 154 at 155 ng National Internal Revenue Code.

Bunsod nito’y lumalabas na bigo raw ang mga Discaya na ibahagi ang totoo at tamang impormasyon sa kanilang ‘Income Tax Returns’.

Dagdag pa niya’y tinago umano ng mag-asawang Discaya sa kanilang ‘Income Tax Returns’ ang tunay na kinita sa Taxable Year 2020 at 2021.

Ito aniya raw ang nadiskubre ng ‘panel of prsecutors’ kung saan napag-alamang hindi ibinahagi ng mag-asawa ang totoong halaga ng kanilang kinita.

Samantala, kaugnay pa rito’y kinumpirma rin ni Justice Spokesperson Martinez na ibinasura ng prosekusyon ang 3 excise tax cases laban sa mga Discaya.

Kanyang sinabi na ang pagkakabasura ay bunsod nang matukoy ng prosekusyon na hindi naman ‘importer’ ang naturang mag-asawa.

Sa ilalim raw kasi ng batas, walang pananagutan ang mga ito sapagkat ang ‘excise tax’ ay responsibilidad ng importer.

“Nakita po ng panel na hindi importer sila Sarah and Curlee, so they were not liable for non-payment of excise tax. Ang may liability po magbayad ng excise tax would be yung nag import talaga. Kung kanino nila binili yung mga kotse,” ani DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez.

Kung kaya’t lusot aniya ang mga ito patungkol sa partikular na mga reklamong may kinalaman sa pagmamay-aring mga luxury cars.