-- Advertisements --

Binanatan ni Senator Ping Lacson ang umano’y blackmail style ni contractor Curlee Discaya laban sa ilang miyembro ng Kamara de Representantes at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways o DPWH.

Sa isang interview, sinabi ni Lacson na tinatakot umano ni Discaya ang mga mambabatas na ilalagay ang pangalan ng mga ito sa kanyang ledger kung hindi magbabayad ng utang.

Ang naturang utang ay nag-ugat umano sa mga advance o komisyon na nakuha ng mga pulitiko para sa mga proyektong nabulilyaso matapos ang kontrobersyal na flood control scandal.

Ayon sa senador, tila inamin din sa kanya ni Discaya ang naturang modus nang komprontahin niya ito.

Lumalabas sa impormasyon ng senador na umaabot sa P30-million hanggang P40-million ang sinisingil ng contractor sa mga indibidwal para lang hindi maisama sa listahan.

Paliwanag ni Lacson, ito ay dahil kinukuha na agad ng mga mambabatas ang kanilang parte kahit nasa National Expenditure Program o NEP pa lamang ang proyekto.

Kaya naman nang hindi matuloy ang proyekto, binabawi ngayon ng contractor ang naibigay na paunang bayad.

Sa huli, iginiit ni Lacson na dapat ituring na lamang na charge to experience ng mga nasangkot ang nangyari dahil sumugal sila sa mga proyektong walang kasiguraduhan.