Hindi napigilan ni Sen. Allan Cayetano na magbiro kay DPWH Sec. Vince Dizon matapos ang mga serye ng pagtatanong ni Sen. Imee Marcos sa kalihim ukol sa budget ng ahensiya sa susunod na taon (2027).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finanace Sub Committee A, inusisa kasi ng presidential sister si Sec. Dizon ukol sa mga flood control projects ng ahensiya at ang nagpapatuloy na imbestigasyon ng DPWH sa mga natukoy na may anomalya, ghost, at substandard.
Sa kabilang banda, tuluyan ding tinanong ni Cayetano si Dizon kung may ghost project sa Taguig City, batay sa pagkaka-alam ni Dizon.
Agad namang sinabi ng kalihim na batay sa record ng DPWH, wala siyang nalalamang ghost project sa naturang syudad.
Gayonpaman, mayroon aniyang nagpapatuloy na imbestigasyon ang ahensiya kung mayroong maanomalyang flood control atbpang public infra project sa naturang syudad.
Ipinagmalaki naman ni Sen. Cayetano na bukas ang naturang lungsod sa sinumang nagnanais suriin ang mga proyekto ng naturang lungsod, mapa-DPWH man, media, o iba pang investigating panel.
Maging siya rin umano (Cayetano) ay interesadong malaman kung mayroon mang proyekto sa lungsod na may natukoy na anomalya, tulad ng mga proyektong dati nang nabunyag.
Nagkakahalaga ng P643.95 bilyon ang panukalang pondo ng ahensya para sa susunod na taon.
















