-- Advertisements --

Isinusulong ang paggamit ng nature-based solutions bilang panibagong estratehiya laban sa pagbaha sa mga komunidad sa Bulacan at Pampanga na sakop ng North Manila Bay.

Kabilang sa tinutugunan ng plano ang epekto ng pagtaas ng lebel ng dagat, paglubog ng lupa at pagkawala ng mga natural coastal habitat na nakadaragdag sa panganib ng pagbaha.

Bumuo ang Haskoning at mga partner nito ng flood protection strategy matapos suriin ang physical, environmental at socio-economic conditions ng mga lugar, pati ang mga pangunahing sanhi ng pagbaha.

Kabilang sa mga pinag-aaralang hakbang ang pagpapanumbalik ng mga bakawan at vegetation sa riverbanks, pagtatayo ng green embankments, retention basins at sustainable fishponds, bukod sa iba pang flood-control measures.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, tinukoy na rin sa pag-aaral ang mga lugar na maaaring pagdausan ng pilot projects.

Maaari umano itong magsilbing batayan sa mas detalyadong engineering design at pagpapatupad ng mga flood protection project sa North Manila Bay. Iginiit ni Dizon na magkakaiba ang approach sa flood control depende sa kondisyon ng bawat probinsya.

Dagdag pa ng kalihim, dapat ay mas maaga nang humingi ang DPWH ng tulong at technical assistance mula sa mga dayuhang eksperto para sa malalaking proyekto.

Aniya, regular namang kumukuha ng foreign consultants ang ahensya dahil may expertise ang mga ito sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto.

Layunin umano nito na matiyak na maayos ang disenyo at implementasyon ng mga proyekto at hindi masasayang ang pondong inilaan ng pamahalaan.