Nagpaalala si Senator-Judge Alan Peter Cayetano sa mga sangkot sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na maging maingat sa paraan ng paghawak sa proceedings, lalo na sa magiging tingin dito ng publiko.
Kasunod ito ng oral arguments tungkol sa conviction voting threshold, kung saan binanggit ni Cayetano ang biro umano ng isang lumapit sa kanya na naging “Parang spaghetti” na ang impeachment trial.
Iniuugnay niya ito sa konsepto ng “Spaghetti song,” dahil maaaring magbago umano ang bilang ng mga lumalahok na Senator-Judges depende sa kung sino ang present o hindi makadalo sa proceedings.
Binigyang-diin ni Cayetano na seryosong usapin ang impeachment at dapat itong tratuhin nang ganoon.
Gayunman, nagbabala siya na maaaring magmukhang katawa-tawa ang proceedings kung ang mga Constitutional provisions ay bibigyang-kahulugan sa paraang, aniya, ay magiging “Ridiculous.”
















