Mariing tinutulan ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang itaas ang singil sa passport processing fee, habang iginiit na isa lamang itong karagdagang pasanin sa mga mamamayang Pilipino na kasalukuyang dumaranas ng matinding krisis sa pamumuhay.
Inihayag ng senador, na miyembro ng Senate Committee on Foreign Relations, ang kanyang pagkadismaya matapos maungkat sa kamakailang pagdinig sa Senado ang plano ng Department of Foreign Affairs (DFA) na itaas ang singil sa regular passport fee mula P950 patungong P1,500.
“Hindi katanggap-tanggap ang dagdag-gastusing ito,” pahayag ni Go.
“Kung noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay ipinaglaban natin na maging sampung (10) taon mula sa limang (5) taon ang validity ng passport ng mga Pilipino, ngayon naman ay bakit dodoblehin ang singil sa processing o passport fee?”
Ipinahayag ng senador ang kanyang matinding pangamba para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) at mga kababayang napipilitang mangibang-bansa at magsakripisyo upang maiprovide ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ayon kay Go, mas lalong maiipit at mabibigatan ang mga OFW at mga ordinaryong komyuter sa panukalang pagtaas ng singil, lalo’t patuloy na nahaharap ang bansa sa mga hamong pangkabuhayan.
“Bakit kailangan pang dagdagan ang pasanin at gastusin ng mga Pilipino?” tanong ng senador.
“Kung kinakailangan, mas mainam na i-subsidize na lamang ng gobyerno ang anumang dagdag-singil sa passport imbes na mapunta lamang sa korapsyon ang pera ng taumbayan.”
Inaasahang tatalakaying muli ng Senado at ng DFA ang naturang panukala sa mga susunod na pagdinig upang mabusisi ang batayan ng hiling na price adjustment at ang epekto nito sa pampublikong sektor.
















