Binatikos ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa pamumuno ni Chair at CEO Lala Sotto ang mga itinuturing nitong AI-generated na video at editoryal ng China Daily na umano’y nagpapakita ng racist at pambabastos na paglalarawan sa mga Pilipino.
Ayon sa pahayag ng MTRCB, labis na ikinadismaya ng pamunuan ang naturang nilalaman at buo nitong sinusuportahan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagtutol sa mga ganitong uri ng pamamahayag.
Bagama’t itinuturing ng MTRCB na labas sa kanilang opisyal na hurisdiksyon ang naturang materyal, binigyang-diin ng ahensya na pinatitibay lamang nito ang kanilang patuloy na panawagan para sa responsableng paggamit ng mga bagong teknolohiya sa paglikha at pagpapakalat ng nilalaman sa publiko.
Dagdag pa ng ahensya, kapansin-pansin ang pagdami ng mga nakakasamang nilalaman sa mga digital at social media platform na madaling ma-access ng mga batang manonood.
Dahil dito, patuloy na isinusulong ng MTRCB ang mas masidhing koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan, mga tagalikha ng nilalaman, at mga digital streaming platform upang matiyak ang responsableng paglalabas ng media content.















