-- Advertisements --

Naniniwala si Dr. Renato de Castro, defense analyst at distinguished professor ng Department of International Studies sa De La Salle University (DLSU), na nararapat ilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nilalaman ng provisional memorandum of understanding (MOU) na umano’y nabuo sa pagitan ng Pilipinas at China noong Hulyo 2024.

Ang kanyang pahayag ay kaugnay sa insidente sa Ayungin Shoal kung saan dalawang sundalong Pilipino ang nasugatan matapos hampasin ng baton ng mga miyembro ng China Coast Guard (CCG).

Binigyang-diin ni de Castro na kung totoo ang sinasabi ni Chinese Ambassador Jing Quan hinggil sa provisional MOU, dapat ipaalam ng DFA sa publiko ang eksaktong nilalaman nito upang malinawan ang lahat.

Nauna nang sinabi ni Jing Quan na lumapit ang CCG dahil umano sa nakitang konstruksyon sa BRP Sierra Madre, na aniya’y labag sa kasunduan ng Pilipinas at China.

Ayon pa kay de Castro, nakababahala ang pahayag ng embahador dahil lumalabas na kailangan pang magpaalam ang Pilipinas sa China tuwing may resupply mission, at ipinagbabawal ang paglalagay ng permanenteng istruktura o kahit ang pagkukumpuni sa BRP Sierra Madre.

Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa tensyon sa West Philippine Sea at sa pangangailangan ng mas malinaw na impormasyon hinggil sa mga kasunduang umiiral sa pagitan ng dalawang bansa.