Nanumpa bilang testigo sa Sandiganbayan fifth Division si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, kaugnay sa graft case na kinakaharap ni dating Representative Zaldy Co at ng mga dating opisyales ng DPWH-MIMAROPA.
Batay sa testimonya ni Secretary Dizon, sinasabing substandard ang ₱289-milyong road dike project na kanyang ininspeksyon sa Naujan, Oriental Mindoro. Kabilang sa mga nakita umanong problema ang paggamit ng mga sheet pile. Sa inspeksyon tatlong metro lamang umano ang mga na-install na sheet pile, kumpara sa 12 metrong sukat na nakasaad sa approve plan.
Isinalaysay din ni Dizon na nagkaroon sila ng verbal notes ni Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor noong September 9, kaugnay ng isinagawang inspeksyon sa mismong proyekto.
Sa pahayag ng kalihim, malinaw umano sa kanilang inspeksyon ang nakitang substandard na pundasyon ng proyekto.
“I just verified ‘yung information, ‘yung sheet piles e, tatlong metro lang, imbis na labindalawa. And ‘yung naman talaga ang rason kung bakit nakampante tayo na substandard ‘yung ginawa ng Sunwest Corporation. Substandard ‘yung pundasyon kaya talaga ayun ang mangyayari so para sa’kin klarong-klaro ‘yung ebindensya sa kasong ‘to.
Dagdag pa ni Dizon, hindi na umano magiging saklaw ng insurance ng contractor ang proyekto kung mapatutunayang may fraud o pandaraya na naganap kaugnay nito.
“Imposible talaga kasi para palitan nila lahat n’ung sheet piles ng three meters gawing twelve, gigibain ‘yung ‘yung structure ng gawa nila. So, hindi excuse ‘yung sinasabi ng abogado nung Sunwest tsaka abogado ng iba. Obvious na obvious na talagang binaboy nila ‘yung proyekto, na sinadya nilang gawing three meters ‘yung dapat twelve meters. Una, kung may fraud at sinabi nilang twelve meters pero ang nangyari three lang, walang magbabayad na insurance diyan kasi may fraud e. May pandaraya na nangyari.”
Nauugnay sa graft case si dating lawmaker Zaldy Co at ilang dating opisyal ng DPWH-MIMAROPA, kaugnay ng umano’y substandard na ₱289-milyong road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Samantala, nakatakda sa October 7 ang pagpapatuloy ng graft trial sa Sandiganbayan 5th Division.
















