-- Advertisements --

Iginiit ni Senador JV Ejercito, chairperson ng Senate Committee on Ethics and Privileges, na hindi siya dapat ang sisihin sa kawalan ng aksyon sa mga nakabinbing ethics complaints dahil hindi pa ganap na nabubuo at naipapormal sa plenaryo ang komite.

Ayon sa Senador, siya lamang ang itinalagang miyembro ng komite at wala pa itong sapat na kasapi upang makapagpulong at makakilos.

Ipinaliwanag niya na noong Oktubre 2025 lamang siya itinalaga bilang chair, isang araw bago mag-adjourn ang Senado, at nang magbalik ang sesyon ay agad na tumutok ang mga senador sa budget deliberations.

Mayroon umanong lima hanggang anim na ethics complaints na nakabinbin, kabilang ang reklamo laban sa kanya na inihain ni Atty. Eldrige Marvin Aceron kaugnay ng umano’y hindi niya pag-aksyon sa kaso laban kay Senator Francis Escudero.

“How can I act on the complaints that he’s saying, when I am the only one? Wala nga kaming member? How can I act when I cannot call on the committee, or convene the committee kasi nga walang members? So ano’ng pinagsasabi nya?,” pahayag ni Ejercito.

Sinabi rin ni Ejercito na mag-iinhibit siya sakaling talakayin ang reklamo laban sa kanya.