Inanunsyo ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang pagtaas ng minimum wage para sa mga domestic worker o kasambahay sa Metro Manila.
Sa ilalim ng Wage Order No. NCR-DW-06, epektibo sa Pebrero 7, magtataas ng walong-daang piso (₱800) ang minimum na sahod ng mga kasambahay sa National Capital Region.
Ibig sabihin, mula sa kasalukuyang ₱7,000, ang buwanang minimum wage ng mga domestic worker sa Metro Manila ay magiging ₱7,800, simula Pebrero 7.
Ayon sa NWPC, layunin ng wage increase na makatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng mga kasambahay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gastusin.
Ang nasabing umento sa sahod ay ipinatupad halos isang taon matapos ding ipahayag ng NWPC ang ₱50 na dagdag sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region.
Patuloy namang hinihikayat ang mga employer na sundin ang bagong wage order upang matiyak ang makatarungang pasahod sa sektor ng mga domestic worker.
















