-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) na aprubado na ang P50 hanggang P80 kada araw na umento sa minimum wage ng mga manggagawa sa Region III o Central Luzon.

Base sa Wage order na inisyu ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), saklaw sa wage hike na P50 ang mga manggagawa mula sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales habang P60 naman ang umento sa Aurora.

Bunsod nito, aakyat na ang minimum wage para sa mga manggagawa sa agriculture sector sa P14,607 hanggang P15,650 habang sa non-agriculture sector naman ay P14,215 hanggang P14,868.

Samantala, ang mga empleyado naman sa retail at service establishments sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales ay P50 ang umento habang P80 sa Aurora, magdadala naman ito sa buwanang sahod ng naturang mga sektor sa P13,433 hanggang P15,389.

Gayundin, ang mga kasambahay sa Central Luzom ay makakatanggap ng P500 kada buwang sahod na umento, kayat ang kanilang buwanang sasahurin ay tataas sa P6,500. Inaasahang mahigit 120,000 kasambahay ang makikinabang sa taas sahod.

Magiging epektibo ang naturang wage order sa Oktubre 30 o 15 araw matapos mailathala noong Oktubre 14.

Samantala, kinumpirma rin ng DOLE na inaprubahan ng Regional Wage Board ang wage hike sa Soccsksargen na magiging epektibo sa Nobiyembre 2. Sa agri, retail at service sector, magkakaroon ng umento na P30 at sa non-agri sector ay P33. Magdadala ito sa minimum na buwanang sahod sa agri, retail at service sector sa P11,998 habang P11,555 naman sa non-agri.

Makakatanggap din ang mga kasambahay sa rehiyon ng karagdagang P1000 para sa mga siyudad at 1st class municipalities habang P1,500 naman sa ibang munisipalidad, kayat tataas na sa P6,000 ang buwanang minimum wage. Inaasahang magbebenipisyo ito sa P26,688 kasambahay.