-- Advertisements --

Nanatili parin sa target range ng gobyerno ang nararanasang unemployment rate ng bansa sa kabila ng pagtaas nito noong nakaraang taon, hudyat ng patuloy na pagbangon ng ekonomiya sa pagtatapos ng 2025, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na bumuti ang employment conditions sa month-on-month basis habang pinalawak ng mga negosyo ang kanilang operasyon upang tugunan ang year-end demand.

Dagdag pa niya, unti-unti rin daw nakabawi ang service at trade sector mula sa antala dulot ng mga nagdaang natural na kalamidad.

Ang pahayag ng opisyal ay kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsabing ang manufacturing sector ay nakapagtala ng isa sa pinakamalalaking year-on-year job losses noong Nobyembre 2025, kung saan humigit-kumulang 150,000 trabaho ang nawala.

Gayunman, binigyang-diin ng kalihim na may mga palatandaan ng pagbuti sa kalidad ng trabaho, dahil ang paglago ng employment ay pangunahing nakikita sa mga skilled at semi-skilled occupations. Bumaba rin umano ang underemployment, na iniuugnay niya sa mga programang nakatuon sa skills upgrading, youth employment, at enterprise support.