-- Advertisements --

Bumaba sa 2.25 million ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o negosyo noong Nobiyembre ng nakalipas na taon mula sa 2.54 milyong naitala noong Oktubre 2025.

Base sa pinakabagong labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), iniulat ni Undersecretary at National Statistician Claire Dennis Mapa na naitala ang 4.4% na unemployment rate noong Nobiyembre 2025, ibig sabihin, nasa 44 mula sa 1000 indibidwal na nasa labor force ang walang trabaho o negosyo sa nabanggit na panahon.

Mas mataas ito kung ikukumpara sa naitalang unemployment rate noong Nobiyembre 2024 na nasa 3.2% subalit mas mababa kung ikukumpara sa naitalang 12% unemployment rate noong Oktubre 2025.

Tinukoy ng PSA Chief ang ilang mga sektor na nakitaan ng pagtaas ng unemployment gaya ng accommodation and food service gayundin sa wholesale at retail trade sectors.

Paliwanag ni USec. Mapa, matindi ang naging epekto sa dalawang sektor ng malalakas na bagyong Tino at Uwan na tumama sa bansa noong Nobiyembre ng nakalipas na taon na nagresulta sa pagkawala ng trabaho ng kabuuang 567,000 indibidwal.

Samantala, pagdating naman underemployed o mga manggagawa na may trabaho ngunit naghahanap pa rin ng extra jobs o extra work hours, bumaba ito sa 5.11 million noong Nobiyembre 2025.

Habang tumaas naman ang employed o bilang ng may trabaho o negosyo sa parehong period na nasa 49.26 milyong Pilipino.