Bumagal ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas noong huling kwarter at kabuuan ng 2025.
Sa pulong balitaan ngayong Huwebes kaugnay sa takbo ng ekonomiya ng Pilipinas, iniulat ni National Statistician at PSA Undersecretary Dennis Mapa na nakapagtala ng gross domestic product (GDP) o ang kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo na ginagawa sa bansa, sa 3.0% noong huling kwarter ng 2025 habang 4.4% naman sa buong taon.
Lumalabas na bumagal ang paglago ng ekonomiya sa huling kwarter at sa kabuuan ng 2025 mula noong 2024 na mayroong 5.3% GDP sa huling kwarter at 5.7% naman sa year-on-year growth rates.
Ito na ang ikatlong sunod na taong nabigo ang pamahalaan na maabot ang target na paglago ng ekonomiya na nasa 5.5% hanggang 6.5%.
Ipinaliwanag naman ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan ang ilang factors na nakaapekto sa ekonomiya sa nakalipas na taon kabilang ang epekto ng mga tumamang kalamidad sa bansa na humantong sa suspensiyon ng mga klase. Inamin din ng kalihim na nakaapekto ang flood control corruption scandal sa mga negosyo at kumpiyasan ng mga konsyumer.
Bilang resulta, bumagal aniya ang domestic demand growth sa 0.7% noong huling kwarter ng 2025, na nagresulta sa full-year growth na 3.7% mula sa 5.8% noong 2024. Naapektuhan dito ang pribado at pampublikong konstruksiyon gayundin ang private consumption sa naturang period.
Bagamat, ang mga development aniyang ito ay nagdulot ng short-term growth, binigyang diin ng Marcos administration na kailangan ang paglulunsad ng imbestigasyon sa flood control corruption controversy para mapalakas ang pananagutan, mapahusay ang kalidad ng mga proyekto at matiyak ang patuloy na paglago sa mga susunod pang taon.
Pagdating naman sa pagtugon sa mga pinsalang may kaugnayan sa climate change na nakakaapekto sa ekonomiya ng bansa, sinabi ni Balisacan na pinapalakas na ang adaptation efforts kabilang ang paghahanda sa mga kalamidad, pagpapahusay pa sa early warning systems at pagpapalakas ng kapasidad ng state at local weather stations.
Ayon kay Balisacan, puspusan ang ginagawang hakbang ng pamahalaan upang maibalik ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pagpapahusay sa mga serbisyo ng gobyerno na nakikita at nararamdaman ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Samantala, ayon kay Sec. Balisacan, napagpasyahan at inendorso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), na binubuo ng top economic managers ng bansa, ang target GDP na 5.5% hanggang 6.5% para sa taong 2027.
















