Kinondena ng tatlong Mindanao lawmakers ang nangyaring paglubog ng barkong MV Trisha Kerstin 3 sa karagatan ng Basilan.
Kasabay nito ang panawagang pagsasagawa ng isang masusing at walang kinikilingang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.
Sa kani-kanilang talumpati sa kongreso, isa sa mga binigyang-diin ni Basilan Representative Yusop Alano ay ang katotohanang hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa isang trahedya ang kompanyang Aleson Shipping Lines.
Ayon sa kanya, ang kompanya ay nagkaroon na ng tatlong magkahiwalay na insidente sa loob lamang ng nakalipas na isang dekada.
Kabilang sa mga insidenteng ito ay ang paglubog ng MV Danica Joy 2 noong taong 2016, ang pagkasunog ng Lady Mary 3 noong 2023 na naging sanhi ng pagkamatay ng 31 katao, at ang pinakahuling trahedya, ang paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 na kumitil naman sa buhay ng 18 indibidwal.
Samantala, tinukoy naman ni Sulu Representative Samier Tan si Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso bilang isang “part owner” o bahagiang nagmamay-ari ng Aleson Shipping Lines, at dahil dito ay hiniling niya na akuin nito ang responsibilidad sa mga nangyari.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Olaso, iginiit nito na hindi siya “part owner” ng naturang kumpanya kondi ang kanyang asawa.
Hindi rin aniya ito bahagi ng conjugal property dahil ito ay isang korporasyon.
Iginiit naman ni Kusug Tausug Party-list Representative Aiman Tan ang pangangailangan para sa isang “full at independent investigation” upang matukoy kung mayroong anumang kapabayaan na naganap sa panig ng Philippine Coast Guard at iba pang mga awtoridad na may kinalaman sa seguridad ng mga pasahero at barko.












