Maituturing nang nasa all-time high ang presyo ng langis sa Pilipinas matapos ang ikalawang bugso ng bigtime oil price hike.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin, naitala ng kagawaran ang dalawang magkasunod na pinakamataas na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa kasaysayan ng bansa.
Ito na aniya ang maituturing na all-time high consecutive price hike sa sektor ng petrolyo. Kapag tuluyang naging epektibo, ito na rin ang pinakamataas na presyuhan ng mga naturang produkto batay sa tala ng kasaysayan.
Dagdag pa ng kalihim, posibleng mas mataas pa ang presyo ng langis sa mga lugar na malayo sa National Capital Region, partikular sa mga lugar na nangangailangan ng mas mahabang biyahe para maihatid ang supply ng petrolyo.
Naging epektibo nitong Martes, Marso 10, ang unang bigtime price hike, ilang araw matapos sumiklab ang giyera sa Middle East kung saan maraming bansa ang nadamay sa malawakang labanan.
Ngayong Martes, Marso 17, ipinatupad naman ng mga kompanya ng langis ang ikalawang bugso ng pagtaas.
Kung susumahin, umabot na sa halos P50 ang itinaas ng presyo ng diesel, mahigit P42 sa kerosene, at mahigit P25 sa gasolina.
















