-- Advertisements --

Ipinagpatuloy na ng Philippine Coast Guard (PCG) ngayong araw (Feb. 7) ang Search and Rescue (SAR) operations sa MV Trisha Kerstin 3, ang barkong lumubog sa katubigan ng Basilan, 12 araw na ang nakakalipas.

Pansamantalang sinuspinde ng coast guard ang diving operations nitong Huwebes, kasabay ng pagbabanta ng bagyong Basyang sa timog-silangang baybayin ng bansa.

Ngayong araw, agad nagdeploy ang PCG ng technical divers at assets sa ground zero upang ipagpatuloy ang paghahanap sa mga nawawalang labi, kasabay ng tuluyang pagbuti ng panahon sa naturang lugar.

Ayon kay PCG Spokesperson Capt. Noemie Cayabyab, isa sa mga pangunahing sisisirin ng mga diver ay ang lokasyon ng lumubog na barko matapos itong matunton bago pansamantalang sinuspinde ang operasyon.

Dalawang labi na ang unang nai-ahon mula sa lumubog na barko at target ng mga diver na halughugin ang kabuuan nito upang alamin kung may iba pang posibleng naipit sa iba’t-ibang parte nito, kasabay ng tuluyan nitong paglubog.

Sa ngayon, nagiging malaking hamon para sa forensic experts ang estado ng mga labing narerekober mula sa lumubog na barko, lalo na ang mga nababad ng mahigit isang linggo sa dagat.

Ayon kay Capt. Vandolf Valmoria, medico-legal officer ng Zamboanga Peninsula police forensics unit, hindi na rin ligtas suriin ang marami sa mga naiahong labi dahil sa iba’t-ibang biological hazards.

Hindi bababa sa sampung katao sa ngayon ay pinipilit hanapin ng mga diver sa karagatan.