Patuloy ang search and rescue (SAR) operations ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos masunog ang MV June Aster sa karagatang sakop ng Coron, Palawan nitong Miyerkules, Setyembre 9, 2026.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nasa 42 indibidwal na ang nailigtas Miyerkules ng gabi. Samantala, lima naman ang unang naiulat na nasawi sa insidente.
Dinala ang mga nasawi sa Barangay Turda Covered Court sa Coron, Palawan. Inihahanda naman ang kanilang pag-turnover sa Coron Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para sa kaukulang disposisyon.
Patuloy rin ang operasyon ng Coast Guard District Palawan at iba pang responding units upang sistematikong hanapin ang mga posibleng nawawala sa karagatang malapit sa lugar ng insidente.
Nakatuon ang mga awtoridad sa patuloy na pagtukoy at pagsagip sa mga indibidwal na maaaring hindi pa natatagpuan matapos ang sunog.
















