-- Advertisements --

Inirekomenda ng House Committee on Transportation ang posibleng pagsasampa ng kasong kriminal, sibil, at administratibo laban sa mga opisyal at pribadong indibidwal na maaaring may pananagutan sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 noong Enero 26 ng kasalukuyang taon.

Ayon sa komite, dapat magkaroon ng malawak at independent investigation upang matukoy ang pananagutan ng shipowners, crew members, at mga opisyal ng gobyerno.

Kabilang sa posibleng kasong isampa ang reckless imprudence resulting in multiple homicide, serious physical injuries, at damage to property.

Ayon kay House Committee on Transportation Chairperson Franz Pumaren, maaaring magsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation, Department of Justice, at Office of the Ombudsman batay sa resulta ng imbestigasyon.

Samantala, pinatawan na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ng mahigit P3 milyong multa at 60 araw na suspensyon ang Aleson Shipping Lines dahil sa iba’t ibang paglabag, kabilang ang overloading at hindi pagsunod sa tamang passenger manifest.

Matatandaang, hindi bababa sa 65 katao ang nasawi habang mahigit 20 pa ang nawawala matapos lumubog ang pampasaherong barko sa karagatang sakop ng Basilan. Sa daan-daang pasaherong sakay ng barko, nasa 293 naman ang nailigtas ng mga rescuer.