-- Advertisements --

Narekober ng technical divers ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isa pang labi ng lalaking biktima mula sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3 ngayong Sabado, Pebrero 14 sa karagatan ng Baluk-Baluk sa Basilan.

Nakuha ang bangkay mula sa wreck site sa gitna ng nagpapatuloy na underwater operations.

Bunsod nito, umakyat na sa 54 ang bilang ng mga nasawi sa trahediya habang 25 pa ang nananatiling nawawala. Nauna nang ibinaba sa 293 ang bilang ng mga survivor sa insidente matapos ang masinsinang beripikasyon.

Samantala, nananatili namang buo ang pangako ng PCG sa paghahanap sa natitira pang nawawalang indibidwal gayundin ang pagbibigay ng suporta para sa mga apektadong pamilya sa kanilang paghahanap ng pananagutan at hustisiya sa malagim na trahediya.