-- Advertisements --

Sumampa na sa 53 ang bilang ng nasawi sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3 matapos marekober ang isang “putol na ulo” sa kasagsagan ng dive operations sa may karagatan ng Baluk-Baluk Island sa Basilan ngayong Biyernes, Pebrero 13.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperspon Capt. Noemie Cayabyab, na-retrieve ng technical diving group ng PCG ang naturang parte ng katawan ng biktima at itinala bilang karagdagang nasawi sa insidente.

Binago naman ng PCG ang inisyal na bilang ng mga survivor sa insidente mula sa 316 ay ibinaba ito sa 293.

Ipinaliwanag ni Capt. Cayabyab ang pagbabago ng datos matapos maberipika ang pagkakakilanlan ng mga pasahero kabilang ang mga survivor sa traahediya na nakalista sa manipesto, ang mga indibidwal na nakaligtas subalit kalaunan ay nakumpirmang wala sa listahan kasama na ang mga declared at undeclared crew members.

Base sa datos nitong Pebrero 12, mayroon pang 26 na nananatiling nawawala.

Ayon kay Capt. Cayabyab, karamihan sa mga nasawing pasahero ay nakalista sa manipesto ng RoRo vessel. Subalit, ang anim na narekober na labi ay hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan at hindi pa rin tinatanggal sa listahan ng mga nawawalang indibidwal.