Pansamantalang itinigil ng Philippine Coast Guard(PCG) ang ginagawa nitong search and rescue operations sa MV Trisha Kerstin 3, ang barkong lumubog sa karagatang sakop ng Basilan, ilang araw na ang nakakalipas.
Ayon kay PCG Spokesperson, Captain Noemie Cayabyab, kahapon (Feb. 5) ay ipinagpatuloy pa ang operasyon ngunit kinailangang itigil na pansamantala dahil sa masungit na panahon.
Ngayong araw ay kailangan munang manatili sa mga pantalan ang mga ginagamit na barko bilang pagtiyak sa kaligtasan ng mga ito, at ng mga diver, PCG personnel na nagsasagawa ng operasyon.
Giit ni Capt. Cayabyab, kung agad bumuti ang panahon ay ipagpapatuloy din ang natigil na operasyon at ang full deployment sa mga dating ginagamit na assets, divers.
Positibo pa rin ang coast guard official na mahahanap ang mga labi kinalaunan.
Sa ngayon ay hanggang sampung katao pa ang nawawala, batay sa orihinal na listahan ng mga nailigtas, at mga narecover.
Hanggang kagabi ay umabot na sa 45 katawan ang kumpirmadong narecover mula sa lumubog na barko, ilang araw na ang nakakalipas.
Natunton na rin ng PCG ang lokasyon ng barko at ito ang isa sa mga pangunahing sisisirin muli ng mga diver kapag bumalik na ang kanilang operasyon.
Dalawang katawan na ang unang naihaon mula sa naturang vessel. Ang mga ito ay naipit umano, at kasama ng barko na lumubog sa ilalim ng karagatan.
















