Tinaguriang bayani ang Davao Cadet na si Kyle Punsalang matapos lumubog ang MV Trisha Kerstin 3 noong Enero 26 sa Basilan.
Isa ang binata sa mga nasawi kung saan pinakahuling narekober ang kanyang bangkay.
Batay sa kuwento ng mga nakaligtas, nakatulong si Kyle sa pagligtas sa iba pang crew at pasahero habang nagsisimulang lumubog ang barko.
Sinabi ng nakaligtas na pasahero na si Joshua Abulag sa isang social media post na nakita niya si Kyle na nagdi-distribute ng life jackets sa ilang matatandang pasahero at sa kanya, na siya daw nakatulong para sila ay makaligtas sa trahedya.

Ayon naman kay JP Punsalang, kapatid ni Kyle, nakarinig siya ng mga kwento mula sa mga nakaligtas na ginising ni Kyle ang mga pasahero habang nagsimulang tumagilid ang barko.
Bukod dito trending din sa social media ang kwento ni Kyle matapos niyang makipag-ugnayan sa kanyang pamilya habang lumulubog ang barko.
“Me tagilid among barko. Tabangggg (Our ship is listing. Help!) Puno kaayo mi karon ug pasahero, fully booked (We are fully booked with passengers),” ang huling mensahe niya sa pamilya.
Ayon kay JP, napakahirap para sa kanila ang 20 araw na paghihintay para sa balita tungkol sa bangkay ni Kyle.
“May mga pagkakataon na tutulo na lang ang luha namin dahil sa lungkot,” dagdag niya.
Kilalang mabait, maaasahan, at goal-oriented si Kyle. Hangad niyang maging pinakabatang kapitan upang makapag-retire na ang kanyang ama bilang seaman.
Sigaw ngayon ng pamilya Punsalang, kasama ang mga nakaligtas at pamilya ng iba pang biktima, ang panawagan ng pananagutan sa trahedya.
“ALL people involved will pay for that they have done. Lahat po ng kasakiman nila should end. If we become silent, this will be a never-ending pattern, and an ill-cycle pa,” sabi ni JP.
Sa kasalukuyan, 57 bangkay na ang narekober mula sa MV Trisha Kerstin 3, habang 22 iba pa ang nawawala pa.















